MANILA, Philippines – Magsisimula nang tumanggap ng fuel subsidy ang mga magsasaka at mangingisda ngayong buwan, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules.
Nauna nang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P150 milyong pondo para sa fuel subsidy program ng sektor ng agrikultura, kung saan P100 milyon na ang nailabas sa DA para sa distribusyon. Sa nasabing halaga, P50 milyon ang nakalaan para sa mga magsasaka at P50 milyon para sa mga mangingisda.
Ayon kay DA spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa, pangungunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) ang pamamahagi ng tulong.
“On the advice of the BFAR, next week they can already start the release of the voucher. And then the remaining 95 percent in cards. In the next two weeks, they will release that part,” aniya.
Tatanggap ang bawat kwalipikadong mangingisda ng P3,000 fuel subsidy mula sa BFAR.
Samantala, maglalabas naman ang BAFE ng P5,000 fuel subsidy para sa mga magsasakang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nagmamay-ari o umuupa ng mga makinaryang pang-agrikultura.
“In the next two weeks, mag-start na rin sila ng release noong PHP5,000 sa mga farmers na registered sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nagmamayari o nagrerenta ng mga makinarya na gagamitin,” ani de Mesa.
Hihiling din ang DA sa DBM na agad ilabas ang natitirang P50 milyong pondo. Kapag nailabas ito, tinatayang aabot sa halos 15,000 magsasaka at 23,800 mangingisda sa buong bansa ang makikinabang sa programa.
Ayon kay de Mesa, pinag-aaralan din ng ahensya ang iba pang posibleng mapagkunan ng pondo, kabilang ang mga hindi nagamit na fuel subsidy funds mula sa mga nakaraang taon.
“Mayroon kaming nakikita pa na possible na pondo na mga previously released din sa fuel subsidy na hindi pa nagamit na nasa Development Bank of the Philippines (DBP) ngayon,” aniya.
Mayroon pang halos P100 milyong hindi nagamit na fuel subsidy funds mula 2023 hanggang 2025 na pinag-aaralan kung maaaring panatilihin sa DA upang maipamahagi sa mga magsasaka at mangingisda sa halip na ibalik sa Treasury.
Pinag-aaralan din ng DA ang mga hakbang sa logistics tulad ng paglalaan ng mga trak at pakikipag-ugnayan sa mga toll company at trucking stakeholders upang makatulong sa pagbiyahe ng mga produktong pagkain.
Sa ngayon, nakapagtala ang DA ng humigit-kumulang 10 porsyentong pagtaas ng presyo ng ilang karne at produktong isda. Santi Celario