Tataas ang daily take-home pay ng minimum wage earners at buwanang suweldo ng mga domestic worker sa Rehiyon X simula sa Enero 12 kasunod ng pag-apruba ng mga bagong wage order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), ayon sa Department of Labor at Employment (DOLE) .
Sinabi ng DOLE na ang Wage Order No. RX-23, na pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), ay nagbibigay ng P23 araw-araw na dagdag sahod para sa mga non-agriculture workers at P35 para sa agriculture workers, na ipapatupad sa dalawang tranches.
Ito ay magtataas ng minimum wage sa Wage Category 1 na mga lugar, kabilang ang Cagayan de Oro, Iligan, Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador, at Ozamiz, sa P461.
Samantala, magkakaroon ng bagong minimum rate na P446 sa Wage Category 2 na mataas mula sa kasalukuyang P411 para sa non-agriculture workers.
Kasama sa kategoryang ito ang mga lugar na hindi nakalista sa Wage Category 1, gayundin ang mga retail o service establishment na gumagamit ng 10 o mas kaunting manggagawa.
Para sa mga domestic worker, inaprubahan ng Wage Order RX-DW-05 ang P1,000 na dagdag sa kanilang buwanang suweldo, nagtaas ito mula P5,000 hanggang P6,000 na epektibo sa parehong petsa.
Binigyang-diin ng DOLE na ang pagtaas ng suweldo ay layong matulungang ang mga mangaggawa sa Northern Mindanao na tugunan ang pagtaas ng mga gastos sa pamumuhay at pagpapabuti ng kanilang kalidad ng buhay. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)