Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Taguig City police Warrant and Subpoena Section (WSS), Station Intelligence Section (SIS) at ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ang live-in partner na kinakasama ng suspect na target arestuhin matapos makuhanan ito ng iba’t-ibang uri ng matataas na kalibre ng baril Linggo ng tanghali, Disyembre 22.
Kinilala ni Taguig City police chief P/Col. Joey Goforth ang nadakip na suspect na si alyas Jessica, 32, live-in partner ni alyas Marvin na siyang target ng isinagawang operasyon.
Base sa report na isinumite ni Goforth kay bagong talagang Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Manuel Javier Abrugena, nadakip si alyas Jessica dakong alas 11:00 ng umaga sa kanilang tinutuluyang bahay sa Barangay Hagonoy, Taguig City.
Sinabi ni Goforth na bago maganap ang pag-aresto kay alyas Jessica, naunang isinilbi ng mga nabanggit na operatiba ang warrant of arrest na mayroong Criminal Case No. 8801 na inisyu ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Judge Mariam Guzon Bein ng Branch 153 laban kay alyas Marvin at isa pang suspect na si alyas Margarito dahil sa kasong murder.
Sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kay alyas Marvin ay hinarang para mapigilan ni alyas Jessica ang proseso ng pag-aresto ng mga operatiba na nagdulot kung kaya’t nakakuha ng pagakakataong makatakas ng target na suspect.
Sa naturang operasyon ay nakumpiska kay alyas Jessica ang iba’t-ibang uri ng matataas na aklibre ng baril tulad ng isang Bushmaster M16 5.56mm rifle; 10 bala ng 5.56mm; isang magazine ng 5.56mm; isang .45 caliber 1911 A1-FS pistol na may magazine na Kargado ng tatlong bala; at isang kulay asul na rifle bag.
Inaresto ng mga opertiba si alyas Jessica nang wala itong maipakitang legal na dokumento para sa mga nadiskubreng baril at bala sa kanilang tahanan.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) at Obstruction of Justice ang kinahaharap ni alyas Jessica sa Taguig City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)