Home NATIONWIDE Taas-sahod sa Barangay officials, isinusulong sa Senado

Taas-sahod sa Barangay officials, isinusulong sa Senado

499
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang senador nitong Martes na bigyan ng mas mataas na sahod ang mga barangay officials dahil sa mababang honorarium na kanilang natatanggap buwan-buwan.

Sa isang organizational meeting ng Committee on Local Government, na tumalakay sa mga panukalang batas para sa Magna Carta for Barangays, sinabi ni Senator Rodante Marcoleta na ang mga barangay captains ay nakatatanggap lamang ng humigit-kumulang P8,000 kada buwan, mas mababa sa P13,159 na datos ng National Barangay Operations Office (NBOO).

Ang mga barangay watchmen ay may honorarium na mahigit P1,500, habang ang lupon tagapamayapa ay P300 kada buwan, ayon kay Marcoleta.

Ayon sa mga senador, hindi patas ito dahil sa dami ng trabaho ng mga opisyal ng barangay.

“Kailangan nating bigyang ng pagkakataon ang mga maliliit na barangay, lalo na sa fourth, fifth, at sixth class municipalities. Bigyan natin ng mas maraming pondo,” ani Marcoleta.

Ayon kay Darwin Fernandez, Presidente ng Liga ng mga Barangay (LNB) NCR, nakadepende ang iba pang barangay officials sa budget para sa mas mataas na honorarium.

Samantala, sinabi ni Maria Katrina Jessica Dy, National President ng LNB, na tila na-displace ang mga barangay officials.

“Hindi sila regular employees kasi honorarium lang ang natatanggap nila, pero mas marami ang oras ng trabaho kaysa sa regular government employees. Hindi natin alam kung government employees nga ba sila o volunteers.”

Nais naman ni Lucio Yu, Jr., Acting Chief Legal Counsel ng GSIS Legal Services Group, na magkaroon ng fixed salary ang mga barangay officials imbes na honoraria.

Tinalakay rin sa pulong ang 2022 position paper ng GSIS, na nagsasabing hindi nakapag-remit ng required premium contributions sa Barangay Officials Insurance Fund (BOIF) ang national government mula pa noong 1995, o mahigit 30 taon. Kinumpirma ito ni Yu.

Ayon kay DBM Director IV Trisha Baraan, alam nila ang isyu at kailangan muna itong i-verify sa operations group bago magbigay ng update sa komite. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here