Home NATIONWIDE Universal social pension sa senior citizens, oks sa Kamara

Universal social pension sa senior citizens, oks sa Kamara

395
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House Committee on Senior Citizens nitong Martes ang panukala na layong palawakin ang social pension sa lahat ng Filipino na may edad 60 pataas.

Ayon sa substitute bill, ang mga senior citizen na dati ay hindi itinuturing na indigent ay makakatanggap ng buwanang P500.

Sa loob ng limang taon, lahat ng senior citizens ay makatatanggap ng universal social pension na hindi bababa sa P1,000 kada buwan, kahit may ibang pensyon mula sa SSS o GSIS.

Maaari ring piliin ng senior citizen na hindi tanggapin ang pensyon.

Itinatakda rin ng panukala na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management at iba pang stakeholders, ay magsusuri at mag-aayos ng halaga ng universal social pension bawat dalawang taon, ngunit hindi bababa sa halaga na itinakda sa bill.

Ang pamamahala at pamamahagi ng social pension ay ililipat mula sa DSWD patungong National Commission on Senior Citizens sa loob ng tatlong taon mula sa bisa ng batas.

Ani Rep. Miro Quimbo, isa sa may-akda ng bill, layon nitong itama ang diskwalipikasyon ng SSS at GSIS pensioners, “Hindi makatarungan na parusahan ang mga nagtrabaho at nag-ambag sa bansa sa kanilang kabataan. Ang exclusion sa social pension ay diskriminasyon.”

Dagdag pa niya, layon ng universal benefit na maipakita ang respeto at tulong sa mga lolo at lola para matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan nang may dignidad at kapanatagan.

Ang inaprubahang bill ay ipapasa na sa House plenary para sa karagdagang deliberasyon. Isang katulad na panukala ang naaprubahan na rin sa third and final reading ng lower chamber sa 19th Congress. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here