MANILA, Philippines – Asahan na ang dagdag-singil sa toll sa North Luzon Expressway (NLEX) sa susunod na buwan matapos aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang implementasyon ng ikalawang tranche ng toll adjustments para sa mga expressway.
Sa pahayag, sinabi ng NLEX Corp. na pinayagan na ng TRB ang implementasyon ng ikalawang tranche ng inaprubahang 2018 at 2020 consolidated petitions para sa periodic toll adjustments epektibo Hunyo 4, 2024.
Sa ilalim ng bagong toll fee matrix, ang mga motorista na bumibiyahe sa open system ay magbabayad ng karagdagang P5.00 para sa Class 1 vehicles (regular cars and SUVs), P14.00 para sa Class 2 vehicles (buses and small trucks), at P17.00 para sa Class 3 vehicles.
Ang open system ay mula Balintawak, Caloocan City patungong Marilao, Bulacan habang ang closed system ay sa pagitan ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga kabilang ang Subic-Tipo.
Ang mga bibiyahe ng NLEX end-to-end sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat City ay magbabayad ng karagdagang P27.00 para sa Class 1, P68.00 sa Class 2, at P81.00 sa Class 3 vehicles.
“The additional rates, which followed strict compliance with regulatory procedures and underwent thorough review, were part of the approved periodic adjustments of NLEX due in 2019 and 2021,” sinabi ng NLEX Corp.
“The increase was deferred and divided into two tranches to help curb the inflationary strains and ease the impact on the users of the expressway,” dagdag pa. RNT/JGC