TUGUEGARAO CITY, Cagayan- Natagpuang patay sa creek nitong Biyernes ng gabi ang isang taga-suporta ng mayoral candidate sa Santo Niño, Cagayan, ayon sa mga awtoridad nitong Linggo.
Nadiskubre ang bangkay ni Jayson Cacal, residente ng Barangay Centro Norte at kilalang taga-suporta ni mayoral candidate Jay-Em Cuntapay, dakong alas-11 ng gabi sa isang creek sa Barangay Lipatan.
Base sa mga pulis, natuklasang may tama ng bala sa ulo si Cacal.
Huli siyang nakitang dumalo sa isang campaign rally bago maiulat na nakipag-inuman sa isang birthday party noong araw na iyon.
Ayon sa mga awtoridad, iniimbestigahan na nila ang motibo sa likod ng pagpatay at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng salarin. RNT/SA