Home METRO Taiwanese, isa pa arestado sa pagdukot sa Tsino sa Maynila

Taiwanese, isa pa arestado sa pagdukot sa Tsino sa Maynila

MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang suspek, kabilang ang isang Taiwanese national, kaugnay sa pagdukot sa isang Chinese national na babae noong Abril 17 sa Maynila.

Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD), kinilala ang biktimang si Shero Zhou, 41, isang Chinese national at residente ng Unit 1015, Gold Mine Tower, P. Ocampo St., Malate, Maynila.

Natuklasan sa imbestigasyon ng pulisya na tumawag si Zhou kay Huanhua Lee at humiling na magdala ng P500,000 sa Okada Manila.

Sinabi umano ng biktima kay Lee at Lau Hans Hamilton na i-convert ang pera sa cryptocurrency bago i-transfer sa USDT account.

Gayunpaman, sila ay inatasan na huwag banggitin ang nasabing transaksyon at ipinagbilin na babalik siya sa loob ng dalawa o tatlong araw.

Noong Abril 20, bandang 7:30 ng gabi, ang biktima ay ibinaba mula sa isang Toyota Vios malapit sa Starbucks, SM Sucat, Parañaque City, at iniulat na siya ay biktima ng Article 267 ng RPC o Kidnapping.

Dumulog ang biktima sa pulisya kung saan agad na nagsagawa ng joint follow-up operation ang Intel Operatives ng MPD District Intelligence Division at mga tauhan ng Pasay City Police Station at Parañaque City Police Station, na nagresulta sa pag-aresto sa dalawang suspek.

Kinilala ang mga suspek na sina Rex Chong Sheng Wu, 27, isang Taiwanese national, at Reynald Salvares Abian, 24, kapwa residente ng Parañaque City.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nakakulong sa MPD Custodial Facility habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila sa Office of the City Prosecutor-Manila. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)