MANILA, Philippines – Nagsimula na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagsasaayos ng steel railings at paglalagay ng reflectorized paint sa takaw-aksidenteng Nagtahan Link Flyover o kilala bilang Beata Bridge sa Pandacan, Manila nitong Sabado, Mayo 2.
Matatandaan na nasawi ang isang rider matapos mawalan ng kontrol at mahulog sa flyover noong Abril 19.
Sinimulan agad ang proyekto matapos magsagawa ng site inspection sina DPWH Secretary Vince Dizon at Manila City Mayor Isko Moreno noong Miyerkules, Abril 29.
Nauna nang sinabi ni Dizon na ang safety railings ay permanenteng iwi-welding upang maiwasan ang pagnanakaw sa mga ito.
Lalagyan din ng reflective paint ang railings upang makita ng mga motorista tuwing gabi.
Ayon sa site supervisor, nakatakdang makumpleto ang proyekto sa Miyerkules, Mayo 6. RNT/JGC