
HINDI naging maganda ang pagbabalik at unang araw nang pag-upo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Sa kabila nang inabutan niyang malinis at halos wala nang kagamitan sa mayor’s office, eh nagkalat naman ang mga basura sa lansangan ng Maynila.
Ika nga ng ating mga kaibigan, naging “dugyot” daw ang itsura ng siyudad na kabisera ng Pilipinas. Ano nga ba ang nangyari? Ayon kay Yorme Kois, nag-terminate ng kontrata ang dalawang pribadong kontraktor na kumokolekta ng basura dahil hindi nabayaran ang kanilang serbisyo simula pa noong nakaraang Pebrero 2025. Ang saklap nga naman. Paano nga naman tatakbo ang operasyon kung walang krudo ang truck, pampasweldo sa mga tao at iba pang gastos ng kontraktor? Ganito rin diumano ang naging kaso ng isa pang kontraktor noong nakaraang taon.
Dahil sa pangyayaring ito, hihimukin niya ang konseho para magdeklara ng state of public health emergency. Aba, ‘eh isang malaking problema ang mga nakaimbak na basura sa mga kalye dahil nagtataglay ito ng malaking panganib para sa kalusugan ng mga Manilenyo. Nararapat lamang ang agarang aksyon ng bagong pamunuan at saka na lang pag-usapan kung sino ang dapat sisihin, he-he-he!
Alam ba ninyo na tone-tonelada ang basurang dapat kolektahin araw-araw? Kaya kung sablay ang iskedyul ng koleksyon, ‘eh mangangamoy ito at magpipyestahan ang mga peste at mikrobyo sa kalye. Ang masaklap pa ay kung abutin ito nang pagbaha dahil sa patuloy na pag-ulan, yuckkk!
Pasintabi po dear readers sa mga sensitibo at kumakain habang binabasa ang ating kolum.
Maaari tayong makakuha ng sakit tulad ng cholera, diarrhea, Hepatitis A dahil sa poor sanitation at kontaminasyon.
Kaya ang payo natin sa mga manilenyong nakatira malapit sa tambak-tambak na basura- magsuot ng facemask kapag nasa labas ng bahay. Habang inaayos ni Yorme ang problema, ingatan ang mga bata lalo na ang mga paslit at huwag hayaang makalapit sa imbakan. Palaging maghugas ng kamay at paa dahil maaaring makontamina ang katawan. Kung nakasapatos, hubarin muna ang mga ito bago pumasok sa loob ng kabahayan. Ang pagpapanatili ng kalinisan ay para sa mabuting kalusugan.
Tulungan din natin si Mayor Isko sa pamamagitan ng pagsunod sa ordinansa ng segregasyon ng ating mga basura.