Home OPINION HAMON SA BAGONG LIDERATO NG ADUANA

HAMON SA BAGONG LIDERATO NG ADUANA

KASAMA tayo sa mga nagulat sa isinagawang “balasahan” ni Pangulong Bongbong Marcos sa Aduana (Bureau of Customs) habang papalapit ang pagpasok ng huling tatlong taon ng kanyang administrasyon.

Nitong Hulyo 1, pormal ng nanumpa bilang kapalit ni Commissioner Bienvenido Rubio si National Disaster Risk Reduction Management Council executive director, Undersecretary Ariel Nepomuceno.

“Pamilyar” na rin naman si Comm. Ariel sa BOC dahil dati na rin siyang Deputy Commissioner, Enforcement Group at Post Clearance Audit Group Assistant Commissioner kaya alam na rin niya ang “pasikot-sikot” at mga problema sa Aduana na dapat mabigyan ng solusyon.

Natuwa rin tayo na sa ating kaarawan nito lang Hunyo 26, si Comm. Ariel lang sa hanay ng ating mga kaibigan sa gobyerno ang gumawa ng paraan upang personal tayong makasama at mabati kaya muli, ‘Thank You!’

Masasabi ring ‘mixture of old and new faces’ ang nangyaring balasahan sa Aduana dahil ang dalawa sa kanila, katulad ni Assessment and Operations Coordinating Group Deputy Commissioner Agaton Uvero at Intelligence Group Deputy Commissioner Romeo Rosales ay nanggaling na rin sa Aduana.

Customs Examiner pa lang noon si Depcomm. Rosales sa Manila International Container Port at Import Assessment Service director naman si Depcomm Uvero nang una natin silang makilala.

Malaking hamon naman ngayon sa ‘Team Nepomuceno’ ang iniwang ‘legacy’ ng administrasyon ni Rubio, partikular sa ‘historic high tax collection’ at paglaban sa smuggling.

Sa nakaraang higit dalawang taon ni Rubio (Pebrero 2023 hanggang Hunyo 2025), nakakolekta ng higit P1.8 trilyon ang BOC at higit P128 bilyon naman ang mga nakumpiskang kontrabando sa “pagtimon” ni ex-Phil. Army general, Juvymax Uy bilang Deputy Commissioner, Intel Group.

Ang tanong tuloy ng mga miron? “Matapatan” o “mahigitan” kaya ng bagong administrasyon iniwang ‘legacy’ na ito nina Rubio at Uy?

Sa galing at abilidad naman ni Comm. Ariel, naniniwala tayong “yakang-yaka” niya ang bagong hamon na ito.

At syempre, suportado ta ka!