Home OPINION MASAMANG PANAHON AT PURO PULITIKA

MASAMANG PANAHON AT PURO PULITIKA

269
0

DAPAT maghanda na lahat ang mga tao at ang pamahalaan sa mga lugar na daraanan ng dalawang parating na masamang panahon o low pressure area (LPA) o bagyo sa Pilipinas.

Gaya ng karanasan, malakas man o mahina ang masamang panahon o bagyo, kung may kasamang ulan na tuloy-tuloy o siyam-siyam, magdudulot ito ng mga baha at landslide.

Hindi lang nakasisira ng mga ari-ariang pampamahalaan at pribado ito kundi sa buhay, kalusugan at iba pa.

Pansamantala, habang sinusubaybayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang pangalawang masamang panahon, naririyan na ang babala para sa LPA o bagyo para sa mga nakatira sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Aurora and Nueva Ecija.

Tiyak na sasabihin ng pamahalaan na prepositioned o naghahanda na nang maaga ang lahat ng sangay ng pamahalaan mula sa barangay at iba pang local government units at mga pambansang ahensya.

Kaya naman, ang mga tao, dapat gumawa rin sila ng kaukulang mga paghahanda para mapatibay ang kanilang tahanan, magbakwit kung kinakailangan at iba pa.

Walang magmamatigas ng ulo kung may seryosong babala, kasama na ang mga mangingisda o nakatira sa mga gilid ng dagat o ilog at mga nakatira sa mga gilid ng bundok na posibleng mag-landslide.

Aksyunan din ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng maagap na pagdedeklara ng “no classes”.

PURO PULITIKA

Habang nagbababala ang PAGASA ukol sa LPA at bagyo, anak ng pitong putakte, very busy naman ang mga politiko sa agawan sa pwesto, lalo na sa Senado, partikular ang Senate President.

Ang masama pa, nakatuon ang mga mata ng mga politiko higit sa impluwensya para sa kalalabasan ng impeachment kaysa sa pagtutok sa serbisyong bayan.

At dahil mabilis na lumalapit na rin ang deliberasyon sa pambansang badyet para sa 2026, tiyak na may mga nakatuon na rin sa kung paano magkaroon ng mga pork barrel.

Palatandaan dito ang usap-usapan ukol sa kung bubuksan ang Bicameral Conference sa publiko o hindi kahit na alam nating bago pa gaganapin ito, may mga luto nang mga kasunduan kung paano magkapera ang mga mambabatas.

Isipin pang napakabilis dumating ang 2028 kaya ngayon pa lang, ang mga mawawalan ng impluwensya sa paparating na pagbaba sa pwesto ni Pangulong Bongbong Marcos sa 2028, nakabuo na sila ng mga proyekto o programa para pagkakitaan nila.

Tiyak na aprub dito, aprub doon ang mga proyekto na daan-daang milyon o bilyon-bilyong piso ang halaga.

Kahit pa malubog sa utang na panlabas at panloob ang pamahalaan, mas mahalagang magkapondo ang mga proyekto o programa na roon sila makapagbubulsa ng limpak-limpak na salapi.

Isang halimbawa riyan ang mga anti-flood project na sa nakalipas na tatlong taon, gumastos ang pamahalaan ng mahigit P600 bilyon at sa taong ito, mahigit P300B ulit.

Sa nakalipas na tatlong taon, walang gaanong palatandaan na humupa ang mga baha at lumabas pa ngang naging malala kumpara sa mga nakaraang taon o administrasyon.

Anak ng tokwa, inanod ba ng mga baha ang pondo rito ng gobyerno o ibinulsa ng mga korap at mandarambong?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here