Home NATIONWIDE Tangkang pagpapasabog sa HQ ng mayoral candidate sa Albuera, iniimbestigahan

Tangkang pagpapasabog sa HQ ng mayoral candidate sa Albuera, iniimbestigahan

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang ulat tungkol sa tangkang pagpapasabog sa campaign headquarters ng isang partido politikal ni Albuera, Leyte mayoral candidate Vince Rama.

Ayon sa report, nadiskubre ng caretaker ang sirang mga bintana nitong Biyernes ng umaga, Abril 11, kasama ang isang bote na naglalaman ng umano’y fuse.

Wala namang naitalang pagsabog lalo’t ang headquarters ay puno ng mga flammable campaign material.

Si Rama ay bayaw ni Lucy Torres-Gomez, re-electionist mayor ng Ormoc.

Pinaigting na ng pulisya sa Ormoc at Albuera ang seguridad kasunod ng pamamaril sa isa pang mayoral candidate na si Kerwin Espinosa.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), pitong pulis mula sa Ormoc City Police Station ang tinukoy bilang persons of interest sa pamamaril.

Inalis sa pwesto si Police Colonel Reydante Ariza, hepe ng Ormoc City Police, kaugnay ng insidente. RNT/JGC