Home HOME BANNER STORY Tanker na nakabangga sa Filipino fishing boat na ikinamatay ng 3, tukoy...

Tanker na nakabangga sa Filipino fishing boat na ikinamatay ng 3, tukoy na!

MANILA, Philippines – Aksidente umanong nakabanggaan ng Filipino fishing boat ang isang foreign commercial vessel na naglalayag sa bisinidad sa baybayin ng Bajo de Masinloc, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sa pinakahuling update ng PCG, natukoy na ang foreign vessel ay ang Pacific Anna, isang crude oil tanker vessel, na nakarehistro sa ilalim ng flag ng Marshall Islands.

Sinabi ng PCG na base sa mga pahayag ng mga survivors, nangyari ang insidente habang ang kanilang mother boat na FFB Dearyn ay nakatigil sa kanilang payao sa bahagi ng Bajo de Masinloc o 180 nautical miles mula sa Agno, Pangasinan.

Walo sa mga mangingisda o crew members ang nagsasagawa ng fishing ventures sa ibat-ibang lokasyon habang ang anim na iba pa kasama ang boat captain ay nanatili sa mother boat.

Dahil sa epekto ng panahon na nagdulot ng dilim, nabigo ang mga crew na naiwan sa mother boat na matukoy ang paparating na barko na nagresulta ng banggaan at dahilan ng paglubog ng mother boat.

Tatlo sa crew members kasama ang kapitan ang nasawi mula sa 14 crew members.

Naghiwa-hiwalay naman ang mga survivor upang hanapin ang kanilang kasamahan kung saan natagpuan ang katawan ng mga biktima sa loob ng pilot house, ayon sa PCG.

Dinala ang kanilang mga labi sa Coast Guard Sub-Station Infanta, gamit ang walo nilang maliliit na service boats.

Ang mga biktima ay pawang mga taga-Calapandayan, Subic, Zambales.

Nagsasagawa na ngayon ang PCG ng malalimang imbestigasyon at sinusuri ang marine traffic.

Nakipag-ugnayan na rin ang PCG sa registered flag ng foreign vessel at sa sunod na daungan na bibisitahin nito kung saan aakyat ang port state control officers. Jocelyn Tabangcura-Domenden