Home OPINION TAPONDO MULING PASIGLAHIN

TAPONDO MULING PASIGLAHIN

TAPONDO…Bago ba ang salitang ito sa pandinig mo?

Ito ay pangalan ng isang PINOY MARTIAL ART na mahigit limang dekada nang nilalaro ng ating mga kababayan na mahilig sa makabagong pagtatanggol sa sarili — sa katunayan, halos dalawang dekada rin itong naging opisyal na pagsasanay ng mga kadete (nagsasanay maging pulis) sa Philippine National Police Academy  bago pumalaot sa pagse-serbisyo publico sa mga lansangan sa buong bansa.

Ang originator ng Tapondo ay si Master Monching Gavileño na ang unang gym ay sa may Quezon Blvd sa Quiapo, Maynila. Inspired ng AIKIDO (isang defensive martial art sa Japan) ang tapondo na hinango naman ang pangalan sa pinagdugtong na mga salitang tapon (throwing) at pondo (locking) na mula naman sa mga fighting style ng Pinoy na kung tawagin natin ay suntukan, umbagan, dumugan at arnis de mano.

Sa panahon kasi ngayon na tila ang ating mga kabataan ay mas malaki ang ginugugol na oras sa piling ng kanilang mga gadget – na walang dudang nagpapabagal sa kanilang pisikal na pagkilos kaya’t kadalasang nagiging mga biktima ng karahasan sa bangketa at kalsada – ay naisip ng Super Senior Citizen na founder ng tapondo na muling ilapit ito sa masa, gaya ng pagkahumaling dito ng ating mga kabataan noong dekada 70 hanggang dekada 90.

Nasabi kong super SC na si Master Monching pero kwidaw – ‘wag n’yong menusin at siguradong may kalalagyan ang sinomang biglang aatake sa kanya…at ito ang gustung-gusto na buhayin sa panahong ito ni Master Gavileño upang makatulong na magbigay liksi sa ating mga kabataan na nagsisilabo na ang mga mata sa mahabang oras na katititig sa kanilang mga gadget.

Kaya nga ngayong Sabado (November 16, 2024) idaraos ang kauna-unahang TAPONDO seminar at Mass Promotion ng mga black belter pataas, upang muling mapasigla ang larangang ito ng martial law lalo na ang pagtatanggol sa sarili ng ating mga kabataan.

Gaganapin ang seminar sa Winnie Castelo Events Hall sa Fairview, Quezon City buong maghapon simula sa get-together sa umaga (8am) hanggang sa hapon na ang pormal na programa ay magsisimula ganap na 3PM.

Ito ang bahagi ng maghapon na programa:

  • Introduction of the new Tapondo International Self-Defense Academy name and logo.
  • Presentation of a new uniform design.
  • Instruction on mastering foundational forms essential to TAPONDO.
  • Hands-on demonstrations and practice of advanced techniques.
  • Special performances, rank certificate awards, and Loyalty Certificates for dedicated members.
  • Uniformity training for instructors on teaching methods and counting.

Marami na ang mga aktibong miyembro, na matagal ding nag-relax dahil sa epekto ng nagdaang pandemya sa buong mundo, ang nagsabing dadalo sa inaasahang masaya at maaksyong GTG (get-together)  ng mga Tapondo practitioner.