TINAWAG at itinuring bilang flagship government program ang “Tara, Basa! Tutoring Program” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa katunayan, nilagdaan na ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Executive Order No. 76 na nagdedeklara na sa “Tara, Basa! Tutoring Program” isang flagship program para tiyakin ang tulong ng national at local government agencies sa pagtatatag ng isang “collaborative learning program.”
Ito ay isang community-based social welfare and development program na naglalayong tulungan ang elementary learners na nahihirapang magbasa, para i- develop ang kanilang foundational reading skills habang iniaalok ang short-term work para sa may problema sa pananalapi na tertiary level students.
Sa ilalim ng EO, ang DSWD ay may mandato na tukuyin ang mga eligible beneficiaries; bumalangkas ng ‘learning at development activities; i-develop ang databases para sa progress reporting; at lumikha ng isang evaluation at monitoring framework para sa programa.
Ang DSWD ay may tungkulin na mag-ulat taun-taon sa Office of the President (OP) kaugnay sa kalagayan at estado ng progreso ng implementasyon ng programa.
Ang EO 76 ay nilagdaan noong Nov. 22, may isang kopya ang isinapubliko, araw ng Martes.
Welcome naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapalabas ng Malakanyang ukol sa EO 76.
“We express our gratitude to President Ferdinand R. Marcos Jr. for acknowledging the educational assistance program initiated by DSWD Secretary Rex Gatchalian. We are honored to spearhead this initiative, which aims to support low-income students and families,” ang sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
Sa ilalim ng Tara, Basa, ang mga college student ay sinasanay at inilalagay sa piling elementary schools para paghusayin ang reading proficiency ng mga elementary students at magsagawa ng Nanay-Tatay teacher sessions para sa mga magulang at guardians ng grade school beneficiaries.
Bilang kapalit, ang mga college students ay nakatanggap ng financial aid base sa regional minimum wage rate sa kanilang lugar kapalit ng 20 tutorial at parenting sessions.
Samantala, ang mga magulang at guardians na dumalo sa Nanay-Tatay learning sessions ay binigyan ng P235 fee per session.
Sa kabilang dako, inilunsad naman ng DSWD ang Tara, Basa! Tutoring Program sa National Capital Region (NCR) noong August 2023.
Pinalawak naman ang programa noong 2024 sa pakikipagtulungan sa local government units sa Central Luzon, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Calabarzon.
Taong 2024, may kabuuang 120,359 college students, struggling at non-reader elementary learners, at mga magulang ang nakinabang mula sa tutoring program ng departamento.