HINDI lamang nakawan sa lansangan ang dapat nating katakutan sa ngayon. Sa panahon ng digital technology kung saan laganap na ang paggamit ng artificial intelligence, updated at upgraded na rin ang mga kriminal. Tahimik silang kumikilos sa internet upang nakawin ang ating pera, personal na impormasyon at maging ang pag-clone sa ating facial identity. Untraceable ang kanilang cyberattacks na ultimo operasyon ng pagsira sa mga negosyo at suplay ng pagkain ay kayang-kaya na nilang gawin.
Noong November 2, 2026, iniulat ng Reuters at Associated Press ang cyberattacks na tumarget sa refrigeration systems ng ilang supermarket sa Sweden at Belgium. May mga refrigerator at freezer na kanilang namanipula at napihit paitaas ang temperatura sa 50°C na ikinasira ng mga pagkain. Agarang itinapon ang mga apektadong chilled at frozen food upang hindi na maibenta. May mga napaulat na inatake din ang ilang establisimyento sa iba pang bansa sa Europa.
Ayon sa cybersecurity experts, nagiging madaling target ang mga internet-connected equipment kapag mahina ang passwords, luma ang software at hindi maayos ang network security. Ipinakikita nito na hindi lamang computers at cellphones ang kailangang protektahan kundi pati industrial control systems at smart equipment.
Kaya naman mahalaga ang “Think before you click!” na paulit-ulit na ipinapaalala ng Department of Information and Communications Technology sa ating lahat.
Iwasan nating magbukas ng kahina-hinalang links. Huwag ding ibigay ang password, PIN at OTP (One-Time Password) sa kahit kanino. Gumamit din ng magkakaibang malalakas na passwords, Multi-Factor Authentication at regular na software updates. I-verify ang mga mensaheng humihingi ng pera o personal na impormasyon.
Para naman sa mga negosyo, ihiwalay ang operational technology sa public internet, palitan ang default passwords, limitahan ang remote access, mag-install ng security updates at magkaroon ng incident response at backup plans. Huwag ding mag-rely sa freewares o mag-download ng ‘app’ lalo na kung hindi ito beripikado o aprubado ng IT department ng kompanya.
Ang cybersecurity ay responsibilidad na ng bawat isa. Ang isang cyberattack ay maaaring magdulot hindi lamang ng financial loss kundi panganib sa kalusugan, trabaho at seguridad nating lahat.
Sa kasalukuyang estado ng cyberspace sa mundo, hindi kailangang maging “techy” para makaiwas sa aberya. Ang kailangan lamang ay ang pagiging alerto at masipag na pagmamatyag.






