Home NATIONWIDE Teddy Casiño nanawagan: Political dynasty, wakasan na!

Teddy Casiño nanawagan: Political dynasty, wakasan na!

MANILA, Philippines – Nanawagan si dating Bayan Muna party-list representative Teddy Casiño nitong Lunes, Enero 27 na wakasan na ang political dynasties kasabay ng pagsusulong ng democratic governance sa bansa.

Sa panayam ng DZBB, sinabi ni Casiño na ang pagbabawal sa political dynasties ay maging isang people’s movement.

“Sa demokrasya, we are a government for the people of the people by the people. Hindi nangyayari ‘yan sa Pilipinas. We are a government of the rich by the political dynasties by the corrupt politicians,” ani Casiño.

“Number one d’yan, ‘yung pagwawakas ng political dynasties. Nasa Constitution naman ‘yan, kailangan lang talaga na may magtutulak sa Senado. Hindi lang sa Senado, kundi sa labas ng Senado. It has to be a people’s movement,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Section 26 ng Article II ng 1987 Constitution, sinasabi na: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may be defined by law.

Sa kabila nito, walang batas na nagbibigay ng depinisyon sa political dynasties.

Inihain na ang iba’t ibang panukala kaugnay nito ngunit hindi mapagkasunduan ng mga mambabatas ang kahulugan nito.

“Ang mga mamamayan natin ay hindi makapag-participate kasi hindi nila alam kung ano ang mga nangyayari talaga. Ang FOI long overdue ‘yan, kailangan natin ipasa,” sinabi pa niya.

Si Casiño ay tatakbo sa ilalim ng senatorial slate ng Makabayan bloc ng Kamara kasama sina ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, former National Anti-Poverty Commission lead convenor Liza Maza, at Pamalakaya secretary general Ronnel Arambulo. RNT/JGC