Home NATIONWIDE Teodoro kay VP Sara: ‘Objective criteria’ gamit ng DND sa pagtukoy sa...

Teodoro kay VP Sara: ‘Objective criteria’ gamit ng DND sa pagtukoy sa mga ‘pro-China’

1
0

MANILA, Philippines – IGINIIT ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Biyernes na hindi binabansagan ng Department of National Defense ang mga Filipino batay sa kanilang paniniwala at gumagamit lamang ito ng “objective criteria” sa pagtukoy sa mga opisyal na kumokontra sa polisiya ng pamahalaan sa West Philippine Sea.

Ginawa ni Teodoro ang pahayag matapos siyang hamunin ni Vice President Sara Duterte na pangalanan ang mga opisyal ng pamahalaan na nauna niyang tinawag na “pro-China” at hinimok na magbitiw kung ayaw nilang itaguyod ang polisiya ng bansa sa WPS.

Ayon kay Teodoro, nakabatay ang pamantayan sa kung ang isang opisyal ay parehong kumokontra at tumatangging kilalanin ang Administrative Order No. 29.

“The DND works on objective criteria and no other standard in cases involving the reputation of our citizens,” ani Teodoro.

“In this situation, the standard is simple: who not only opposes AO29, but also refuses to recognize it—both elements being necessary, especially in light of our recent filing of nautical charts for Bajo de Masinloc and Panatag,” dagdag niya.

Nilinaw ng kalihim na hindi naglalagay ng bansag ang DND sa mga tao dahil lamang sa kanilang pampolitikang pananaw o paniniwala.

“In the same way that red-tagging and other such ad hoc practices are not employed by this organization, tagging Filipinos on the basis of belief rather than covert or overt acts is not done by the Defense Department,” sinabi niya.

Sa kanyang pahayag sa Davao City noong Huwebes, sinabi ni Vice President Duterte na dapat pangalanan ni Teodoro ang mga opisyal na kanyang tinutukoy dahil hindi umano makatarungang magbato ng paratang nang hindi sila tinutukoy.

Binatikos din ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte si Teodoro at sinabing nagmumula sa mamamayan, at hindi sa Defense secretary, ang mandato ng mga halal na opisyal.

Inakusahan din niya si Teodoro ng “demonizing China” at pagpapatupad umano ng loyalty tests sa mga halal na opisyal.

Tinawag naman ng Malacañang na “very alarming” ang mga pahayag ni Paolo Duterte at sinabing nagbubukas ito ng tanong tungkol sa kanyang katapatan sa Pilipinas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here