Home HOME BANNER STORY Termino ni Acorda bilang PNP chief, pinalawig ni PBBM

Termino ni Acorda bilang PNP chief, pinalawig ni PBBM

MANILA, Philippines – Pinalawig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang serbisyo ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. hanggang Marso 31, 2024 bunsod na rin ng matagumpay na pamumuno nito sa police force simula nang italaga noong Abril ngayong taon.

“I wish to inform you that, pursuant to the provisions of existing laws, your service as Chief (Police General), Philippine National Police, is hereby extended until 31 March 2024,” ang nakasaad sa liham na nilagdaan ni Pangulong Marcos  na naka-addressed kay Acorda.

Ipinaalam din kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abajos Jr.  ang bagay na ito sa pamamagitan ng transmittal letter, may petsang Disyembre 1, 2023 at nilagdaan ni  Executive Secretary Lucas Bersamin, ang “extension of service” ni Acorda.

Ang PNP ay isang  attached agency ng  DILG.

Sa pagpapalawig sa serbisyo ni Acorda, tinukoy ng  Office of the President (OP) ang  Executive Order No. 136, series of 1999, “which recognized the power of the President to approve the extension of service of presidential appointees beyond the compulsory retirement age for exemplary meritorious reasons.”

Pinangunahan ni Acorda ang PNP sa layuning ituon ang pansin sa mas epektibong police force gaya ng Personnel Morale and Welfare, Community Engagement, Integrity Enhancement, ICT Development at Honest Law Enforcement Operations.

Matatandaang, itinalaga ni Pangulong Marcos si Acorda bilang pang-29 na “top cop”  ng bansa sa isinagawang change of command ceremony sa Camp Crame, Quezon City noong Abril  24, 2023.

Iyon nga lamang, narating na ni Acorda ang 56-year-old compulsory retirement para sa PNP personnel noong Disyembre 3, 2023.

Si Acorda ay miyembro ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991.

Nagsilbi siya sa PNP ng mahigit sa 37 taon. Siya ay naging director ng  PNP Directorate for Intelligence bago pa naging  hepe ng PNP. Kris Jose

Previous articleNapatay sa pag-atake malapit sa Eiffel Tower, may lahing Pinoy
Next articlePapalitan ng kamag-anak nina Romualdez, Herbosa IT NG DOH KOKONTROLIN