MANILA, Philippines- Inamin ni House Committee on Ethics and Privileges Chairman Raul Angelo Bongalon na “expulsion” o pagpapatalsik sa pwesto ang kanilang kinokonsiderang ipataw na parusa laban kay Negros Oriental Rep. Arnie Teves dahil sa kanyang patuloy na Absence Without Official Leave (AWOL) subalit hindi ito iginawad sa kagustuhan na rin bigyan pa ito ng “second chance” para ipagpatuloy ang kanyang tungkulin sa kanyang nasasakupan.
Ayon kay Bongalon, sa hindi pagkakasa ng “expulsion” laban kay Teves ay binigyang-konsiderasyon ng komite ang kahalagahan ng fair treament, due process at pagkilala din sa constituents ni Teves sa ikatlong distrito ng Negros Oriental.
Si Teves ay matatandaang pinatawan lamang muli ng ikalawang 60 araw na suspensyon ng Kamara at hindi ito pinatalsik sa pwesto.
Maliban sa suspensyon ay tinanggalan din ito ng committee membership.
“With this another suspension and another consequence, basically we are giving him another chance to go home and to fulfill his duty as the representative of the 3rd district of Negros Oriental,” pagtatapos ni Bongalon. Gail Mendoza