MANILA, Philippines- Isinailalim ang pugante at dating mambabatas na si Arnolfo Teves Jr. sa house arrest sa Timor-Leste, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes.
“He will be under 24-hour security, with only family members permitted to visit him,” pahayag ng DOJ, idinagdag na mahigpit na babantayan ng gobyerno ng Pilipinas ang sitwasyon upang matiyak na lahat ng proseso ay “valid and appropriate.”
Sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez, kahit na ang dating mambabatas ay isailalim sa kustodiya, muling arestuhin o ilagay sa ilalim ng house arrest, siya pa rin ay “under the control of the police authorities.”
“Simply put, he is deprived of liberty. Ongoing extradition hearings now,” wika ni Vasquez. Inihayag naman ng legal counsel ni Teves sa Pilipinas na si Atty. Ferdinand Topacio na ipinag-utos ng Timorese court na isailalim ang kanyang kliyente sa house arrest noong Miyerkules.
“After having determined that he is not a flight risk and that he has not violated any laws, he was placed under guard in his residence simply to ensure his attendance in the hearings,” ani Topacio. Unang iniulat ng Timor-Leste media agency Hatutan.com ang desisyon ng Court of Appeals sa Dili na isailalim ang mambabatas sa house arrest habang hinihintay ang kanyang extradition proceedings.
Naaresto si Teves, tumulak sa Timor-Leste sa gitna ng hinaharap na patong-patong na kaso, kabilang ang murder, sa Pilipinas, noong Marso 21. Itinuturo siyang utak ng March 2023 killing sa kanyang karibal sa politika na si dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo, at siyam pang indibidwal sa bayan ng Pamplona. RNT/SA