MANILA, Philippines – Nananatili pa rin sa emergency room si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Kasalukuyang ginagamot si Teves matapos isugod sa hindi pa tukoy na ospital dahil sa matinding pananakit ng tiyan.
Sa inilabas na pahayag ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, kagabi pa nakararanas ng pananakit ng tiyan ang dating kongresista.
Aniya, nakayuko na ang kanyang kliyente sa sobrang sakit at halos nakaluhod na ito.
Humiling na ito na dalhin sa ospital dahil sa hindi maibigay ng mga tauhan ng BJMP ang kahilingan dahil sa mahigpit na protocol.
Dagdag pa ng abogado, pagdating niya sa kulungan kaninang alas-7 ng umaga ay dinala na ang dating kongresista sa ospital dahil lumalala ang pananakit ng tiyan nito.
Humupa na ang pananakit ng tiyan ng dating kongresista ngunit kailangan pang sumailalim sa iba’t ibang test para matukoy ang dahilan ng pananakit ng tiyan. Teresa Tavares