Home HOME BANNER STORY Teves nasa kustodiya ng Timor Leste police habang naghihintay ng deportation

Teves nasa kustodiya ng Timor Leste police habang naghihintay ng deportation

MANILA, Philippines – Mananatiling nasa kustodiya ng Timor Leste police si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. habang ipinoproseso pa ang kanyang deportation, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes, Marso 22.

Matatandaan na kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inaresto ng Timorese authorities ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na si Teves, habang naglalaro ng golf sa Dili.

Sa drone footage mula sa NBI, makikita na inaaresto ng Timor Leste police ang pinatalsik na mambabatas sa isang driving range, kung saan nakasuot siya ng short, puting short at bull cap.

“Ito po ay produkto o resulta ng matagal na pagco-coordinate natin at pakikipagtrabaho sa ating counterparts dito,” sinabi ni NBI Director Medardo de Lemos.

“Katulad ng kanilang commitment, pagdating natin ay aarestuhin. Two hours after we landed in Dili, Timor, ay inaresto na si Congressman Teves. Under detention na sa kanila ngayon,” dagdag pa ni de Lemos.

Sa pangunguna ni de Lemos, dumating ang six-man team ng NBI sa Timor Leste para sa pag-aresto kay Teves.

“Kahapon pa nahirapan kami at ayaw pumayag ng mga local authorities dito dahil yun daw proseso nila. Pero kami ay nagpupumilit na kailangan may proof of life na siya nga ay nahuli nila at di binibigyan ng special treatment dito sa Timor Leste,” anang opisyal.

Nakipagkita ang grupo ng mga operatiba ng NBI kay Timor Leste President Jose Ramos-Horta para pasalamatan ang pamahalaan sa kanilang aksyon patungkol dito.

Aabutin ng 40 araw ang deportation proceedings sa Timor Leste ngunit umaasa ang NBI at DOJ na mas mapabilis pa ito.

Noong Pebrero ay inilagay si Teves sa red notice ng International Criminal Police Organization (Interpol).

Ang red notice ay isang request para sa mga awtoridad sa buong bansa na hanapin at arestuhin ang isang tao.

Huling namataan si Teves sa Timor-Leste noong Setyembre 2023. Nahaharap siya sa kasong murder, frustrated murder,
at attempted murder sa pagpatay kay Degamo at iba pa noong Marso 4, 2023.

Bukod sa pagpatay kay Degamo, sinampahan din ng kaso si Teves at iba pa dahil sa pagkamatay ng tatlong indibidwal sa Negros Oriental noong 2019. RNT/JGC

Previous articleJava island sa Indonesia, niyanig ng M-6.5 na lindol
Next articleOperasyon ng Pasig River Ferry suspendido mula Marso 28 ‘gang 30