Home OPINION TINAMAAN NG BIRO!

TINAMAAN NG BIRO!

ILAN sa inyo ang may ganitong karanasan sa TikTok — sobrang saya, tapos biglaang mapapalitan ng nakade-depress na kalungkutan? Yup, may ganyang epekto sa atin ang short videos.

Isa sa mga grabeng nagpatawa sa akin ang koleksyon ng videos na tinawag ng isang nagkomento bilang “The senators who should not have been elected.”

Tampok sa serye ng mga video ang kapalpakan sa session hall at press conferences nilang mga kagalang-galang — sina Robinhood Padilla at Lito Lapid.

Sinundan ito ng isa pang serye ng videos ng mga kandidato para senador sa midterm polls sa Mayo. Pareho ang tema: pinakanakatatawang katangahan — sa pagkakataong ito, bida naman sina Philip Salvador, Willie Revillame, Bong Revilla, at Lito Lapid.

Pero sa halip na matawa ako, nakaramdam ako ng sobrang kalungkutan sa TikTok video na ‘yun hanggang sa iwanan ko na lang sa nightstand ang aking telepono.

Tatlo kasi sa kanila ang pasok sa Magic 12. Manood na lang tayo ng Netflix.

Comelec rules — ‘di nga?

Nagsimula na ang campaign season, at gusto ng Commission on Elections na magpakabait tayong lahat. Walang mangangampanya ng 2:00 ng madaling araw, walang naglalakihang posters, at bawal ang walang habas na paggastos.

Ang mga kandidato ay may 90 araw, 120 minuto kada TV station, at P3 bawat botante upang makumbinse ang publiko. Tunog may sistema, ano? Ang problema lang, siyempre, ang mga panuntunang ito ay matagal nang nalabag — ilang linggo at buwan na ang nakalipas.

Kahit anong pakiusap pa ang gawin ni Comelec Chairman George M. Garcia, aminin na natin: ang premature campaigning ay katumbas ng jaywalking sa Maynila — iligal, technically, pero ginagawa ng lahat.

Idineklara na ng Korte Suprema na walang umiiral na “premature campaigning,” kaya ano ngayon ang mga pagbabanta ng Comelec — wishful thinking?

Maliban na lang kung nakatira ka sa kweba, Sir Garcia, ang EDSA at lahat ng mga pangunahing kalsada ay ilang linggo, o ilang buwan nang tadtad ng campaign posters na kasing laki ng mismong Comelec Building. So, sino ngayon ang binibiro natin?

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.