
NAILATHALA natin sa nakaraang kolum ang ilang kuwento ng pagsabog ng Liquefied Petroleum Gas o LPG cylinders. Kagaya ng ating ipinangako, ating pag-uusapan ang kahalagahan ng hydrostatic test para sa mga highly pressurized cylinder tulad ng LPG.
Isa sa mga proseso ang hydrostatic test para masukat ang strength ng isang LPG tank at malaman na rin kung may butas ito o crack. Ginagawa ang testing, documentation at certification sa manufacturing stage pa lamang bago ito ibenta sa merkado. Kadalasang limang taon ang validity ng certificate.
Kapag hindi pumasa sa testing ang isang LPG cylinder, nire-reject ito at ibinabalik sa pagawaan for safe recycling para hindi na magamit ng mga consumer. Kaya gayon na lamang ang ating pag-aalala kapag may nakikita tayong significant na pangangalawang sa katawan ng tangke. At dahil nga wala naman tayong authority at kakayanan para isagawa ang testing, pinapapalitan natin ito sa pinagbilhan. Aba, mahirap nang masabugan ng LPG tank ang loob ng ating pamamahay.
Para naman sa karagdagang tips, isama natin sa ating checklist ang rubber tubing o LPG hose, regulator at agarang palitan kung kinakailangan. Ilayo sa possible heat sources at huwag ilagay ang cylinder sa mga closed compartment. Testingin kung may leak gamit ang soap solution at sponge at punasan ang valve, joints, hose at buksan ang valve upang maobserbahan.
Kung sakalaing may naobserbahang leakage, huwag bubuksan ang gas stove at iwasan ding magsindi ng ilaw.
Maging maingat sa pagbubukas ng valve. Kapag nakatapos na sa pagluluto, unahing i-turn off ang cylinder valve at hayaang maubos ang apoy na natitira sa hose at gas stove. Isang precautionary method ito upang hindi ma-stress at maging brittle ang LPG hose.