Home OPINION TINATAMAAN NG BOWEL CANCER NA KABATAAN DUMARAMI

TINATAMAAN NG BOWEL CANCER NA KABATAAN DUMARAMI

ISANG makabagong pag-aaral mula sa Cancer Research UK Scotland Centre at University of Edinburgh ang nakatuklas na ang mga cancer cell sa bituka ay may kakayahang magpalit ng anyo, mula sa orihinal nilang colonic cells tungo sa mga cell na kahalintulad ng balat o kalamnan. Tinatawag ang prosesong ito na “cellular plasticity,” na pinaniniwalaang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lumalala at mas mabilis kumalat ang cancer na ito.

Ang pagbabagong ito ng anyo ay nagbibigay ng mas matibay na pananggalang sa mga cancer cell, kaya mas nagiging agresibo ang pagkalat nila sa ibang bahagi ng katawan gaya ng atay, diaphragm, at mga lymph nodes.

Sa ilalim ng pag-aaral na ini­lathala sa prestihiyosong journal na “Nature,” sinuri ng mga si­yentipiko ang isang partikular na gene na tinatawag na Atrx na nauugnay sa mas malulubhang anyo ng bowel cancer. Sa mga eksperimentong isinagawa gamit ang human tissue samp­les at daga, napag-alamang ang pagkawala ng gene na ito ay nagreresulta sa mas mataas na posibilidad ng metastasis o pagkalat ng cancer sa ibang bahagi ng katawan.

Paliwanag ni Dr. Kevin Myant ng University of Edinburgh, ha­bang dumarami ang kabataang tinatamaan ng bowel cancer, ma­halagang maunawaan kung paano ito umuunlad. Nakita sa pag-aaral na ang cancer cells ay ‘shapeshifter’ o nagpapanggap na parang balat o kalamnan upang makaligtas at makapanghimasok sa ibang bahagi ng katawan.

Karagdagang impormasyon naman mula kay Dr. Patrizia Cammareri na ang balat ay may kakayahang tiisin ang mas matitinding kondisyon, kaya maa­a­ring ginagamit ng cancer cells ang ganitong anyo upang mas tumibay at lumaganap.

Sinabi naman ni Dr. Cathe­rine Elliott ng Cancer Research UK, ang pananaliksik ay nagbi­bigay ng bagong pag-asa para pigilan ang pagkalat ng cancer na siyang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa mga kaso ng cancer.

Ang bowel cancer ang ikalawang pangunahing sanhi ng pagkamatay dahil sa cancer sa UK, na kumikitil ng 16,800 buhay taon-taon, kabilang ang 1,700 sa Scotland. Bukod pa rito, isang ulat mula sa American Cancer Society na inilathala sa “The Lancet Oncology” ang nagsabing tumataas ang bilang ng early-onset bowel cancer sa mga edad 25 hanggang 49 sa 27 bansa, at mas mabilis ang pagtaas sa mga kabataang babae sa Scotland at England kaysa sa kala­lakihan.

Ang bagong tuklas na ito ay naglalayong tulungan ang mga siyentipiko na makabuo ng mas epektibong paggamot at pigilan ang cancer cells sa kanilang ka­kayahang magbago ng anyo na isang mahalagang hakbang upang mapigilan ang malalang pagkalat ng sakit.