Home NATIONWIDE Tiniyak ng Malakanyang sa Tsina: Chinese nationals ‘di hinaharass sa Pinas

Tiniyak ng Malakanyang sa Tsina: Chinese nationals ‘di hinaharass sa Pinas

MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang sa Tsina na walang foreign nationals na bumibisita sa Pilipinas ang hina-harass.

“Tandaan po natin, lahat po dito ay welcome, except po of course kapag gumagawa po ng krimen. I-implement po natin kung ano po ang batas,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Nauna rito, naglabas kasi ang Chinese Embassy sa Pilipinas ng travel advisory sa kanilang mamamayan.

Nakasaad sa nasabing advisory ang pagkakaroon ng umano ng unstable public security ng bansa dahil sa ang mga Chinese at kanilang negosyo ay palagian iniimbestigahan at hina-harassed ng mga otoridad ng Pilipinas.

Dahil dito ay tumaas ang panganib sa seguridad ng mga Chinese nationals.

Pinayuhan din nila ang mga Chinese citizens na nasa Pilipinas at maging ang magbabalak na magtungo sa bansa na palakasin ang pag-iingat at kahandaan.

Pinaiiwas din nila ang mga ito sa pagtungo sa mga hindi mahalagang kasiyahan.

Kasama rin na pinaalalahanan nila ang mga Chinese nationals na umiwas sa mga matataong lugar at mga political gathering kung saan marapat na laging sumunod ang mga ito sa batas na ipinapatupad.

Pinag-iingat din nila ang mga Chinese tourist na dapat ay magsagawa muna ng ‘risk assessment ang desisyon na bumisiita dito sa Pilipinas.

Giit naman ni Castro na hindi hina-harass ang mga Chinese national sa bansa.

“Ang kanilang travel advisory, it’s just a normal consular function of China. At we can assure China na hindi po tayo nagta-target ng particular nationality or particular national para i-harass,” aniya pa rin.

Nilinaw din ni Castro na ang kaso ng mga Chinese national na iniuugnay sa Philippine offshore gaming operators (POGOs) ay ibang usapin, dahil sangkot ang mga ito sa ilegal na operasyon.

Aniya pa, handa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pag-usapan kasama ang Chinese government ang mga isyu na nakapalibot sa mga Chinese citizen na inaresto at pina-deprt dahil sa kailang pagkaka-ugnay sa illegal POGOs.

“Malamang po nasasabi po nila ito dahil sa ating pagpapatupad dito sa POGO na dapat ay mawala na sa atin. At karamihan po dito ay mga Chinese national. So, malamang po ay isa ito sa mga nagiging issue po,”ayon kay Castro.

“Pero muli, ang DFA po ay open po for discussion regarding this at ia-assure po natin muli ang China na wala po tayong tina-target na particular national,” dagdag na wika nito. Kris Jose