Home METRO Tiyuhin grinipuhan ng pamangkin

Tiyuhin grinipuhan ng pamangkin

CEBU CITY-KRITIKAL sa ospital ang isang lalaki matapos saksakin ng sarili nitong pamangkin makaraan batuhin umano ng una ang huli, iniulat kahapon, Disyembre 9 sa Daanbantayan.

Kinilala ang biktimang si Edwin Tabarno, 49, habang nadadakip naman ang suspek at pamangkin nitong Dindo Tabarno, 28, kapwa construction worker at residente ng Sitio Caamo-an, Brgy. Dalingding, Daanbantayan, Cebu City.

Ayon kay P/Sr. Master Sgt. Alfredo Mandal, imbestigador ng Daanbantayan Police Station, bandang 6:30 PM ng Linggo naganap ang insidente sa Sitio Sumimbang, Barangay Bitoon, ng naturang lungsod.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, bago ang krimen pinag-usapan ng magtiyuhin ang matagal na nilang alitan tungkol sa kanilang trabaho na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Dito, binato umano ng biktima ang suspek dahilan para kumuha ito ng kutsilyo at sinaksak ang tiyuhin sa tiyan.

Kaagad naman dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas habang nadakip naman ng mga rumespondeng otoridad ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong frustrated murder. Mary Anne Sapico