MANILA, Philippines – Lumabas sa autopsy report ng TNVS driver na pinagnakawan at pinatay ng kanyang mga pasahero sa Parañaque City noong Mayo, na sinaksak ito ng dalawang beses sa kanyang kaliwang dibdib sanhi ng kamatayan nito.
Sa report, patuloy na pinaghahanap ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kitchen knife na ginamit sa pananaksak.
Sumailalim na sa inquest proceedings sa Department of Justice nitong Sabado ng hapon, Hulyo 12, ang tatlong suspek sa pagpatay sa TNVS driver na si Raymond Cabrera, na nahaharap sa reklamong robbery-homicide.
Dinala ang mga suspek sa NBI detention facility sa Muntinlupa City.
Ang bangkay ni Cabrera ay nasa advanced state of decomposition na, ngunit sinabi ng mga awtoridad na nakatitiyak silang 90% na ang katawang ito ay kay Cabrera matapos na matukoy ng kanyang anak ang sapatos na suot nito at ang screw sa kanyang braso.
“Positively identified siya through the ‘yung sapatos niya, ‘yung mga gamit niya plus mayroon siyang screw sa may braso at sa arms noong maaksidente siya. So, ‘yung mga ‘yun ay na-positively identified siya ng kaniyang anak na siya nga ‘yun,” ani NBI Director Jaime Santiago.
Hinihintay pa ng NBI ang resulta ng DNA test result ngunit nakatakda na rin nitong iturn-over ang labi ni Cabrera sa kanyang pamilya. RNT/JGC