Para kay Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, malaking tulong ang kanyang karanasan bilang dating alkalde at MMDA Chairman para siguruhin ang epektibong paghahatid ng serbisyo sa mga panukalang ipinapasa ng Senado.
MANILA, Philippines- Gabay ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang kanyang malawak na karanasan sa lokal na pamamahala sa pagbalangkas ng mga batas na magsisiguro ng epektibong serbisyo sa mga mamamayan.
Ito ang ibinahagi ng senador, na naunang nanilbihan bilang alkalde ng Tagaytay City at chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), sa isang panayam sa radyo.
Ani Tolentino, ginagamit niya ang kanyang perspektiba bilang dating lokal na opisyal para tugunan ang mga pang araw-araw na isyu ng mga Pilipino – kabilang ang kalusugan, kabuhayan, trapiko, at paghahanda sa mga sakuna.
“Dapat suportahan ang ating mga lokal na pamahalaan para maging pro-active sa pagseserbisyo. Malaking tulong ang karanasan ko sa Tagaytay at MMDA para pagbutihin ang aspetong ito sa paggawa ng batas,” paliwanag niya.
Kasama sa mga naturang batas ang Magna Carta of Barangay Health Workers, at iyong nagtatalaga ng cooperative development officer at nagpapalakas sa disaster management office sa bawat local government unit (LGU).
Tumulong din si Tolentino sa panukalang nagtatakda ng automatic income classification para sa mga LGU sa pamamagitan ng Republic Act 11964. Magugunita na dati ring pinamunuan ni Tolentino ang League of Cities of the Philippines.
Ang adbokasiya ng senador para sa mga modernong solusyon sa trapiko ay impluwensya rin ng kanyang karanasan bilang MMDA chief.
Nauna nang inilunsad ni Tolentino ang kanyang programang smart traffic light signaling system sa Dumaguete City, Naga City, Roxas City, Cavite, at Laguna. Nakatakda ring pasinayaan ang katulad na proyekto niya sa Kalibo, Aklan.
Maaalala na nanawagan noon ang senador sa mga botante ba pumili ng mga senatorial candidate na may integridad, track record, at malinaw na plataporma de gobyerno. RNT