Home METRO Mag-asawang Korean na wanted sa online fraud nalambat ng BI

Mag-asawang Korean na wanted sa online fraud nalambat ng BI

MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean couple na pinaghahanap ng Interpol at mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa kinakaharap nitong large-scale fraud.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mag-asawa na sina Choi Jeongyun at Kim Minwoo, parehong 41-anyos, na naaresto noong Abril 4 sa kanilang tirahan sa kahabaan ng Gallery Drive, Bgy Carmona, Makati City.

Sinabi ni Viado na inaresto ang dalawa matapos makatanggap ng impormasyon ang BI mula sa gobyerno ng South Korea tungkol sa mga krimen na ginawa nina Choi at Kim.

“Upon deportation, their names will be included in our blacklist to prevent them from re-entering the country,” ani Viado.

Lumalabas sa talaan ng BI na overstaying na ang dalawang dayuhan, dahil pareho silang dumating sa bansa noong 2019 at hindi pa umaalis mula noon.

“The Philippines is not a sanctuary for fugitives evading their crimes,” the BI chief declared. “Those who abuse our hospitality will be arrested and deported,” dagdag pa ni Viado.

Nabatid na sina Choi at Kim ay parehong subject ng red notice ng Interpol dahil sa arrest warrant na inisyu laban sa kanila ng Chucheon district court sa Korea.

Inakusahan ng mga awtoridad na ang mag-asawa ay nakikibahagi sa mga operasyon ng voice phishing sa internet na nagbigay-daan sa kanila na dayain ang kanilang mga biktima ng higit sa US$840,000 sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga banker o kinatawan ng isang institusyong pinansyal.

Nagtrabaho umano si Choi bilang profit manager habang si Kim ay nagtatrabaho bilang manager at telemarketer para sa sindikato mula noong 2017.

Nakakulong ang mag-asawa sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan sila mananatili habang hinihintay ang deportasyon. JAY Reyes