Home NATIONWIDE Tolentino: InfinitUs, bibigyan ng tyansa magpaliwanag sa Senado

Tolentino: InfinitUs, bibigyan ng tyansa magpaliwanag sa Senado

MANILA, Philippines – Kasama ang Makati-based ad firm InfinitUs Marketing Solutions, Inc. sa mga inimbitahan ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones sa susunod nitong pagdinig na gaganapin sa Lunes, Mayo 5.

Ito ang ibinahagi ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa isang panayam sa telebisyon ngayong umaga.

“Nagpadala na po tayo ng mga imbitasyon kahapon,” ayon kay Tolentino, na nangunguna sa pagsisiyasat. “Ang hangad natin ay patatagin ang sistema ng ating demokrasya.”

Aniya, bibigyan ng komite ang InfinitUs ng pagakakataon para pabulaanan o liwanagin ang panig nito hinggil sa umano’y kwestyonableng kontrata nito sa Chinese embassy noong 2023 para maglunsad ng ‘keyboard warriors’ pabor sa China sa usapin ng West Philippine Sea dispute.

Nang tanungin kung paano nya balak gawing mas moderno ang batas laban sa dayuhang paniniktik, na binalangkas noon pang Commonwealth era, tatlong aspeto ang binanggit ni TOL: mas mataas na parusa, mas mahigpit na mga panuntunan, at mas mataas na kaalaman ng publiko.

Aniya, maaari ding managot sa batas ang troll farm operators at keyboard warriors dahil sa kusa nilang pagsunod sa mga utos ng dayuhang grupo para atakehin ang gobyerno ng Pilipinas.

Isang abogado at eksperto sa international law, binigyang-diin ni Tolentino na walang karapatan ang troll farms at keyboard warriors na idahilan ang “freedom of expression” dahil ito’y iginagawad lang sa mga totoong tao at hindi sa mga pekeng accounts na nililikha nila sa social media.

Pinag-aaralan din ni Tolentino na humalaw ng mga probisyon mula sa General Data Protection Regulation (GDPR) ng European Union para palakasin ang ating batas sa privacy security. Nakapaloob sa GDPR ang mataas na parusa sa mga paglabag at mahigpit na pagtalima ng social media platforms. RNT