Home NATIONWIDE Tolentino: Maritime Zones Act maipapasa sa Enero 2024

Tolentino: Maritime Zones Act maipapasa sa Enero 2024

Kumpiyansa si Senador Francis “Tol” Tolentino na maipapasa ang Maritime Zones Act pagsapit ng bagong taon o sa Enero 2024.

“Sa tantiya ko ay baka first month of next year, ma-approve na ito,” sabi ni Tolentino na siyang sponsor ng panukalang batas.
Binigyang-diin ni Tolentino na ang panukala ay may sapat na suporta mula sa kanyang mga kapwa mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

“Palagay ko naman ay makapapasa sa dami po ng nag-co-sponsor. Suportado po ito maging ng Senate President. At pasado na po ito sa House,” idinagdag ni Sen. Tolentino.

Sinabi ng tagapangulo ng Senate Maritime and Admiralty Zones na ang panukalang batas, kapag naisabatas, ay magbibigay-daan sa Pilipinas na ganap na ipatupad ang mga batas-pandagat at tamasahin ang mga karapatan nito sa kanyang teritoryo.

“Kapag ito ay naipasa, effectively maipapakita natin na ito talaga ang mapa natin, boundary natin, na di maliwanag ngayon dahil wala tayong batas,” sabi ni Tolentino.

“Kapag ito ay naging batas, kikilalanin ito ng mga karatig-bansa natin. Baka may mga ibang bansa diyan na di ito kikilalanin pero dagdag-sandata ito sa pakikipag-usap sa iba’t ibang bansa na ‘ito ang aming boundary. Ito ang aming soberanya. Ito ang aming nasasakupan’,” giit ng senador.

Sinabi ni Tolentino na kapag naging batas, ang Maritime Zones Act ay ipadadala sa United Nations, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) Secretariat, at International Maritime Organization. RNT

Previous articleGasolinahan sa Ecija sumabog
Next articleCaregiver Welfare Act, ganap nang batas!