Home NATIONWIDE Tolentino sa DOJ: Hurisdiksyon ng PCG sa ‘pleasure yachts’ linawin

Tolentino sa DOJ: Hurisdiksyon ng PCG sa ‘pleasure yachts’ linawin

MANILA, Philippines- Hiningi ni Senator Francis Tolentino ang opinyon ng Department of Justice (DOJ) upang linawin ang hurisdiksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa private foreign vessels.

Sa Senate hearing kamakailan hinggil sa pagkakakumpiska ng 1.4 tonelada ng “shabu” sa Alitagtag, Batangas, sinabi ng PCG official na wala silang kalayaan at awtoridad sa foreign “pleasure yachts” dahil sa circular mula sa Maritime Industry Authority (MARINA).

Nauna nang inihayag ng Philippine National Police (PNP) na may koneksyon ang droga sa isang yate na galing sa ibang bansa.

Iginiit ni Tolentino, isang abogado, na ang mandato ng PCG ay mula sa Republic Act (RA) No. 9993, o ang Philippine Coast Guard Law of 2009. Giit niya, hindi dapat isantabi ang naturang batas dahil sa isang circular.

“I like to ask the honorable undersecretary of the DOJ (Department of Justice), iyong position ng coast guard na yung circular ay pwedeng matabunan ang isang batas na ginawa ng Congress?” tanong ni Tolentino sa pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

Sinabi ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez sa panel na ang posisyon ng PCG ay “without basis.”

Inihayag ni Vasquez na nakasalig sa batas ang mandato ng coast guard, na mas mataas ang lebel ng awtoridad kumpara sa isang memorandum circular.

Iginiit pa niya na limitado ang mandato ng MARINA sa rehistrasyon at administrasyon ng vessels.

Dahil dito, hawak pa rin ng PCG ng kapangyarihan na inspeksyunin ang private foreign vessels bilang isang law enforcement authority. RNT/SA