MANILA, Philippines – Nakahanap ng kakampi ang lokal na pamahalaan at mga mamamayan ng Sulu sa Senado kay Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino.
Nanawagan ang mambabatas na dapat maipagpatuloy ang mga serbisyo publiko para sa naturang lalawigan matapos maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na naghihiwalay dito mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Dapat may nakahandang plano ang lahat ng pambansang ahensya para siguruhin na hindi mapuputol ang paghahatid ng importanteng serbisyo, gaya ng edukasyon, kalusugan, at tulong panlipunan sa Sulu,” ayon sa senador, sabay diin na ang pag-uutos ng Korte Suprema ay ‘immediately executory’ o agarang dapat ipatupad.
Magugunita na nitong nagdaang linggo, nagtalumpati si Tolentino para manawagan sa Senado na suriin ang implikasyon ng desisyon ng Mataas na Korte sa pampulitika at pinansyal na mga usapin kaugnay ng naihiwalay na probinsya.
Aniya, pinagtibay ng desisyon ang kawastuan ng Bangsamoro Organic Law (BOL), ngunit dineklara rin nito na hindi dapat bahagi ng BARMM ang Sulu – dahil ibinasura ng mayorya ng mga botante nito ang BOL sa plebisitong ginanap noong 2019.
“Malaking katanungan ngayon ang kagyat na hinaharap ng Sulu. Pero mas mahalagang tignan ang pangyayaring ito bilang isang hamon at oportunidad. Ngayong wala na ang Sulu sa BARMM, dapat nating suriin, ‘di lamang ang implikasyon nito sa pulitika, kundi maging sa ating pagbalangkas ng panukalang badyet,” pahayag ni Tolentino.
Aniya, dapat magtulungan ang Senado at Ehekutibo para ilaan ang naaayong alokasyon sa probinsya sa ilalim ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa panukalang P6.352-bilyong badyet para sa 2025.
Samantala, sa kanyang regular na programang ‘SOS’ sa DZRH, hinikayat ni Tolentino si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Irene Dumlao na bigyan ng agarang atensyon ang mga pangangailangan ng lalawigan.
“Tuwing may bagyo o malakas na pag-ulan ay sinasalanta ng matinding pagbaha ang maraming lugar sa BARMM. Ngayong ‘di na bahagi ng autonomous region ang Sulu ay magbabalik na ito sa inyong pangangalaga. May paghahanda na ba kayong nagawa rito?” tanong ng senador.
Bilang tugon, siniguro ni Dumlao na magpapatuloy ang pagtulong ng ahensya sa Sulu, gayundin ang malapit na ugnayan sa pagitan ng DSWD at ng BARMM Ministry of Social Services and Development.
Ganito rin ang paalala ni Tolentino sa deliberasyon sa panukalang badyet ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa Senado ngayong linggo – kabilang ang Department of Science and Technology, gayundin ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology.
“Napakaganda at napaka-payapa ng lalawigan ng Sulu. Wala nang Abu Sayyaf. Sana tayo’y magtulung-tulong para siguruhin ang kapakanan ng kanyang mga mamayan, gayundin ng kanyang pag-unlad,” pagtatapos ng senador. RNT