MANILA, Philippines – Magsisimula na ang paniningil ng toll sa Cavitex C5 Link-Segment 3B ngayong Sabado, Mayo 9, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).
Sa advisory nitong Biyernes, sinabi ng TRB na opisyal nang ipatutupad ang updated toll rate matrix ng Cavitex C5 Link Expressway kabilang ang Segment 3B.
Nauna nang ipinagpaliban ang toll collection matapos sabihin ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong Mayo 4 na hindi muna ito itutuloy dahil sa umiiral na fuel crisis at national energy emergency.
Ang toll collection ay hawak ng PRA sa pamamagitan ng subsidiary nitong PEA Tollway Corporation (PEATC).
Ayon sa TRB, ito ang magiging toll rates mula Dr. A. Santos Avenue (Sucat, Parañaque) papuntang Taguig (C5) at pabalik:
₱59 para sa class 1 vehicles
₱117 para sa class 2
₱176 para sa class 3
Samantala, mula Taguig papuntang Roxas Boulevard o Zapote:
₱97 para sa class 1 vehicles
₱194 para sa class 2
₱291 para sa class 3






