MANILA, Philippines- Swak sa kulungan ang isang lalaki na nakatala bilang No. 6 Top Ten Most Wanted Person (TTMWP) sa Nation Capital Region Police Office (NCRPO) nang madakma ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City.
Ayon kay NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa Brgy. 73, Caloocan City ang presensya ng 26-anyos na akusado na residente ng Block 45 Addition Hills, Mandaluyong City at nakatala din bilang No. 1 TTMWP sa NPD.
Agad inatasan ni Col. Ligan ang District Special Operations Unit (DSOU-NPD) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa akusado na nakatala din No. 1 TTMWP sa Malabon police.
Sa koordinasyon sa Regional Intelligence Unit NCR (NDIT-RIU NCR), Regional Intelligence Division (RID-NCRPO), Warrant and Subpoena Section-Malabon City Police Station (WSS-MCPS), District Intelligence Division-NPD (DID-NPD), at NPD District Mobile Force Battalion (DMFB), ikinasa ng DSOU ang police operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-7:30 ng gabi sa Samson Road corner Abbey Road, Brgy. 73.
Binitbit ng pulisya ang akusado sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu nina Presiding Judge Rhoda Magdalena L. Mapile-Osinada ng RTC Branch 289, Malabon City, noong March 23, 2023, para sa kasong Rape na wlang inirekomendang piyansa at Acting Presiding Judge Analyn F. Ramas-Costanilla ng RTC Branch 22, Pagadian City na may petsang April 26, 2019 para naman sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 at Rape in relation to R.A. 7610 (2 counts).
Pinuri naman ni Col. Ligan ang DSOU at kasamang mga unit sa kanilang pagtutulungan at mabilis na pagsisikap.
“This operation exemplifies the unwavering commitment of our police personnel to uphold justice and maintain peace and order in our communities,” aniya. Merly Duero