LAS PIÑAS, Philippines – Sa pinaigting na kampanya laban sa mga kriminal ay nadakip ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Las Piñas City police ang Top 7 most wanted person (MWP) sa district level Miyerkules ng umaga, Hulyo 2.
Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang nadakip na babaeng suspek na si alyas Maria, 26, walang trabaho at residente ng Bernabe Compound, Barangay Pulang Lupa Uno, Las Piñas City.
Base sa natanggap na report ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo kay Tafalla, napag-alaman na naganap ang pagdakip sa suspek bandang alas 9:50 ng umaga sa kanyang tahanan sa sa Bernabe Compound, Brgy. Pulang Lupa Uno, Las Piñas City.
Sinabi ni Tafalla na naisakatuparan ang pag-aresto kay alyas Maria sa bisa ng isinilbing warrant of arrest sa kasong paglabag sa the Anti-Carnapping Act of 1972 (RA 6539) na ipinag-utos ni Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Judge Ma. Ludmila De Pio Lim ng Branch 253 na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa sa halagang ₱300,000.
Sa kasalukuyan ay nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police si alyas Maria habang naghihintay ng commitment order na magmumula sa korte para sa paglipat ng kanyang pagkukulungan sa Las Piñas City jail.
Pinuri naman ni Arceo ang mabilis at propersyunal na pag-aresto ng mga operatiba kay alyas Maria na nagsabing, “This successful operation is a clear example of our continuous efforts to bring fugitives to justice. We are committed to upholding the rule of law and ensuring that those who evade the courts are made accountable.” (James I. Catapusan)