MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Parañaque City police ang Top 7 station level most wanted person (MWP) Lunes ng umaga, Nobyembre 11.
Kinilala ni Parañaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante ang nadakip na suspect na si alyas Niño, 22, na may kasong kaugnay sa ilegal na droga.
Base sa report na isinumite ni Montante sa Southern Police District (SPD), inaresto si alyas Niño ng mga miyembro ng WSS dakong alas 4:00 ng umaga sa Barangay B.F. Homes, Parañaque City.
Ang pag-aresto sa suspect ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Parañaque City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Maria Luwalhati Carandang Cruz ng Branch 259 sa ilalim ng Criminal Case No. 2024-1299 dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o ang RA 9165.
Ang naturang order na inilabas ng korte ay may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa na nagkakahalaga ng ₱200,000 para sa pansamantalang kalayaan ni alyas Niño na kasalukuyang nasa kustodiya ng Parañaque City police. James I. Catapusan