MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na pinupulido pa nila ang operational procedures upang masiguro ang maagap na pagtugon sa mga emergency call partikular na sa mga lungsod sabay-sabing mayroon ding mga logistical challenges sa mga liblib na lugar.
Ayon kay PNP Chief Police General Nicolas Torre III, ang target ng pulisya ay makatugon sa mga insidente sa loob ng limang minuto lalo na sa highly populated city centers.
“Sa mga city centers, walang rason para hindi makarating agad ang pulis. Nandiyan na mismo sila. Pero sa mga malalayong lugar, natural na mas matagal ang response,” paliwanag ni Torre.
Binanggit niya ang pinakahuling kaso kung saan ang tawag ay nanggaling sa kabilang isla na nag-oobliga upang ang mga pulis ay tumawid gamit ang bangka at malamang prank lamang pala ito.
“Kahit prank call, kailangan pa rin nating mag-respond. Pero dapat din mag-exercise ng sentido común ang mga commander,” ani Torre.
Idinagdag pa niya na inatasan na rin ang mga field commander na gamitin ang kanilang sariling diskresyon sa pagsasaprayoridad ng mga urgent case.
Matatandaan na ipinangako ni Torre noong Hunyo na ang mga pulis ay tutugon sa 911 calls sa Metro Manila sa loob lamang ng limang minuto.
Samantala, nagpaalala rin si Torre sa mga pulis na mas maging accommodating sa mga nagrereklamo.
Ito ay kasunod ng insidente na tumanggi umano ang isang desk officer na tanggapin ang reklamo ng pagnanakaw.
“May isang tao, may dala-dalang complaint, ayaw tanggapin ng desk officer. Sabi ko, tatanggapin natin ‘yan. Ang kailangan lang, just reach out — kahit sa PNP PIO Facebook page,” sinabi pa ni Torre.
Aminado ang PNP chief na ang mga adjustment sa operasyon ng pulisya ay bahagi ng “birth pains” sa pagpapatupad ng ‘more responsive procedures.’
“Gusto natin na ang pulis makarating in a reasonable time. Bawat segundo mahalaga. Kaya tinatanggal natin ang stigma na mahirap lapitan ang mga pulis,” sinabi ni Torre. RNT/JGC