TAMA AKO! Ito ang nabanggit ng ilang mga dating opisyal ng Philippine National Police na nakaabang kung sino ba ang itatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang kapalit nang magteretirong si PGen. Rommel Marbil bilang hepe ng Pambansang Pulisya.
Nasabi nila ang mga katagang “Tama Ako” nang ianunsyo ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang kapalit ni Marbil na si PMGen Nicolas Torree III, kasaluyang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group.
Si Torre ang napagpasyahan ni Pangulong Marcos na pumalit kay Marbil kahit may iba pa siyang pinagpilian na sinabi niyang senior official.
Siyempre, inaasahan na ang paglalabas ng madlang pipol ng larawang kasama si Torre na simula sa Lunes ay siya na ang PNP chief sapagkat isang karangalan nga naman iyon na kilala mo at kilala ka nito. May angas ba sa madaling salita.
Pero marami pa ring ayaw na ayaw kay Torre lalo na iyong mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaresto at kinaladkad lang naman ni Torre para lang madala sa The Hague bagaman sinasabi ng marami na labag iyon sa karapatan ni FPRRD dahil walang warrant of arrest ang mga pulis nang arestuhin.
Paano naman ang mga anti-Duterte? Aba naman, syempre, liyad ang dibdib at taas ang leeg sapagkat alam nilang mas lalong di makapoporma ang kampo ng DDS kapag si Torre ang nakaupong hari sa Camp Crame.
Hindi anila makapagsisiga-sigaan ang mga anak ni Pangulong Du30 sapagkat tiyak na ‘di iyon palalampasin ni Torre. Ows, di nga?
Kung liyad dibdib ang pro- Marcos aba’y taas kilay naman mga pro-Duterte. Kapwa may iniyayabang kung sino
ang sino sa kanilang kakampi.
Naideklara na si Torre bilang PNP Chief kaya’t wla nang gustong tumutol. (Bakit, may magagawa pa ba?)
Aba, maituturing na tala sa kasaysayan ng PNP ang pagkapili kay Torre sapagkat siya ang kauna-unahang nagtapos sa Philippine National Police Academy na naitalagang PNP Chief.
Pero kahit karangalan na para sa mga kapwa PNPAyer, marami pa rin sa mga ito ang mas pabor kay PLtGen. Jose Melecio Nartatez Jr. na pumalit kay Marbil.
Anila, sana ay hinayaan na lang na si Nartatez muna ang naupo bilang huling Philippine Military Academy graduate sa PNP upang maging maayos ang takbo ng PNP.
Sa pagkakatalaga ni Torre, ayon sa ilang PNPAyer, nahahati ang mamamayan lalo na ang mga pulis na hindi maihayag ang kanilang damdamin sa kung kanino sila panig sa mga namumuno sa pamahalaan.
Basta dapat ang mga Pinoy da panahong ito ay nagkakaisa na. Dapat, tapos na ang halalan kaya tapos na muna ang pulitika at asikasuhin ng pamahalaan ay ang paglago ng ekonomiya na mangyayari lang sa pakikipagtulungan ng mamamayan.






