Home NATIONWIDE Total cellphone ban sa mga kulungan!

Total cellphone ban sa mga kulungan!

MANILA, Philippines – Ipinagbawal ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Martes, Nob. 19, ang mga opisyal, empleyado, at bisita nito na gumamit ng cellular telephones sa loob ng mga pasilidad ng bilangguan sa buong bansa.

Ang pagbabawal ay nakapaloob sa isang memorandum na inilabas ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa lahat ng mga direktor, directorate chiefs at mga pinuno ng mga tanggapan na nagpapaalam sa kanila ng pagbabawal na ipinapatupad nang walang pagbubukod sa lahat ng mga commissioned officers, non-commissioned officers, civilian. mga tauhan, bisita at iba pang taong pumapasok sa punong-tanggapan ng kawanihan at ang mga operating prisons and penal farms (OPPFs) nito.

“Maraming magrereklamo na personnel natin sa bagong policy na ‘yan pero kailangan nating gawin para talagang wala ng makagamit ng cellphone sa loob,” sabi ni Catapang.

Sa ilalim ng memorandum, inutusan ni Catapang ang mga superintendente ng OPPFs na pahusayin ang security screening sa pamamagitan ng pagsasagawa ng masusing inspeksyon sa lahat ng entry at exit point para maiwasan ang smuggling ng mga cellular phone at magsagawa ng regular na pagsuri sa pasilidad kabilang ang random na inspeksyon sa mga dormitoryo ng bilangguan at lugar ng trabaho ng mga tauhan ng Bucor para sa mga ipinagbabawal na kagamitan.

“Anumang cellular phone o mga kaugnay na device na matuklasan ay dapat agad na kumpiskahin at iulat sa naaangkop na awtoridad para sa wastong dokumentasyon at disposisyon habang ang mga tauhan na mapatunayang kasabwat sa hindi awtorisadong pagpasok o paggamit ng mga cellular phone ay sasailalim sa administratibo at kriminal na parusa,” babala ni Catapang.

Sa pamamagitan ng cellular telephone ban, iniutos ni Catapang ang pagbili ng higit pang two-way radios bilang alternatibong paraan ng komunikasyon sa loob ng mga pasilidad. RNT