IN-SPIN o “inangguluhan” ang titulo sa ilang diyaryo para palabasing negatibo ang balita sa kampo ni Vice President Sara Duterte.
Tama naman ang laman ng istorya. Hindi muna naglabas ng Temporary Restraining Order ang Supreme Court at sa halip e, inatasan ang House justice committee na sagutin sa loob ng 10 araw ang inihaing petisyon laban sa Impeachment sa bise-presidente.
Parang sinasabi ng SC, ooops.. “teka muna, pasagutin din natin ang kabila”. Dito pa lang magkakaroon ng linaw ang mga pagtatalo.
Malinaw, wala pang sagot ang SC. Wala pang dine-deny o ibinabasura. ‘Wag atat!
Kung itutuloy ba ng komite ng Kongreso ang nakaplano nilang “mini-trial” sa Abril 14 nang hindi pa tumutugon sa atas ng Kataas-taasang Hukuman, aba’y bahala sila. Tutal, matitigas naman ang kanilang kukote.
Pero ang tiyak, magkakaroon na naman sila ng problema kapag ipinilit.
Pero sabi nga, kailangang mag-double time ng “maleta gang” sa Kamara para patalsikin sa poder si VP Sara, lalo ngayong hindi matigil-tigil ang mga balita o sabihin na natin ang sinasabi ng Malakanyang na “fake news” tungkol sa tunay na lagay ng kalusugan ng mahal nating Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Oo nga pala, asan nga ba talaga ang Presidente? Marami kasi ang nagtatalo-talo sa social media sa usaping ito.
E kasi, lagi na lamang daw throwback video footages at edited photos ang inilalabas ng Malakanyang upang palabasing ito ay “current news” o abala sa pagtatrabaho ang Pangulo at “wala siya sa St. Lukes Hospital sa BGC”.
Ang footages ay inilabas din ng “mainstream media” nang walang ginagawang beripikasyon.
Eksampol ang isang footages kung saan nakita pa ang namayapa nang si dating Senador Juan Ponce Enrile at dating Executive Secretary Lucas Bersamin habang nasa pagpupulong.
May isa pa na inilabas na may petsang “April 6” pero ang totoo, lumabas na sa isang broadsheet noon pang Pebrero 2025. May isa ring event na inilabas noong April 8, 2026 subalit aktwal na naganap noong January 2025.
Hindi na malaman kung ano ba ang totoo o beripikadong balita? Naguguluhan na ang taumbayan.
At kinakasabwat sa mga “garapal na pagsisinungaling na ito” ang mainstream media.
Wala nang maitatago sa ngayon, lalo’t lahat na yata ay nakatutok sa social media na sila pa ngayong “mas naaasahan” pagdating sa paghahanap ng katotohanan.






