Home NATIONWIDE Trabaho ng DOJ sa kaso ni FPRRD sa ICC, limitado lamang sa...

Trabaho ng DOJ sa kaso ni FPRRD sa ICC, limitado lamang sa witness protection

314
0

MANILA, Philippines – Limitado lamang sa witness protection ang trabaho ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), ayon sa justice department.

Sa harap ito ng inaasahang pagtestigo ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Ret. P/Col. Royina Garma laban sa dating pangulo sa ICC.

Sinabi ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon na walang ibang ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas at ICC maliban sa pagbibigay ng Witness Protection Program sa mga testigo.

Aniya, direktang nakikipag-ugnayan ang ICC kay Garma pagdating sa mga testimonya at affidavit hinggil sa kaso.

Ayon pa kay Clavano, ito rin ang dahilan kaya nag-usap sina Garma at ang mga kinatawan ng ICC sa Malaysia matapos na saglit na umuwi sa Pilipinas nitong weekend mula Amerika.

Tiniyak naman ng Justice Department ang proteksiyon kay Garma sa ibang bansa at patuloy silang makikipag-ugnayan lalo kung malagay sa panganib ang buhay ng dating opisyal.

Si Garma ang nagbunyag noon sa House Quad Committee na mayroon umanong reward system ang dating administrasyon kaugnay sa inilunsad na kampanya kontra iligal na droga. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here