MANILA, Philippines – Tuloy ang tradisyunal na pag-aanunsyo ng Supreme Court ng Top 20 na nakapasa sa 2024 Bar Examination.
Ito ang inihayag ni SC Chief Justice Alexander Gesmundo kasunod ng deklarasyon kamakailan ng En Banc na ipagbawal na ilabas ang pagpapalabas ng indibidwal na marka sa Bar Examinations ng mga examinee nang walang paunang pahintulot mula sa mga examinee.
Nilinaw ni Gesmundo na sa inaprubahan na Bar Matter No. 4968, hindi maaring ibunyag ng SC ang mga personal information ng Bar examination takers sa mga law schools dahil ito ay sensitibo at personal na impormasyon sa ilalim ng Data Privacy Act.
Ang naturang resolusyon aniya ay nakatuon sa mga law schools na nais pag-aralan kung paano sila nag-perform sa idinaos na Bar exams.
Sinabi ni Gesmundo na mananatili ang dating gawain na matapos ang En Banc session ay iaanunsyo ng Bar Chairman ang mga nakapasa at nakatapos ng may mataas na grado.
“The announcement will be exactly the same as in the previous years. We’ll put up a wide screen at the quadrangle and the names will be scrolled there,” ani Gesmundo.
Ang resulta ng 2024 Bar Exam ay ilalabas sa Biyernes, December 13. Teresa Tavares