MANILA, Philippines – Walang sangkot na judge sa umano’y paglabas ng impormasyon hinggil sa pagsalakay sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga nitong Hunyo.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, lumabas sa resulta ng kanilang preliminary inquiries na walang sangkot na judge sa naturang isyu.
Magugunita nitong Hunyo, inaresto ng mga otoridad ang 58 dayuhan sa sinalakay na POGO compound sa Porac.
Gayunman, sinabi ng isang opisyal sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na mahigit 1,000 indibidual pa ang dapat naaresto ngunit nakaiwas dahil sa posibleng tip na nakuha hinggil sa operasyon ng otoridad.
Ibinunyag ni Senator Sherwin Gatchalian na posibleng may impluwensya umano ang Chinese syndicates sa hudikatura kaya agad nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang SC.
Sinabi ni Gesmundo na wala na silang na-monitor pa na kahalintulad na insidente.
Inatasan na ng SC ang mga judge nazmaging maingat na lamang sa pagtugon sa mga inihahain na search warrants ng mga law enforcement agencies.
“We already warned employees and judges not to compromise the integrity of the judiciary,” dagdag ni Gesmundo.
Nanawagan din ang Punong Mahistrado sa publiko na kung may nalalaman ay maaring mag-email sa kanilang helpdesk. Teresa Tavares