BUKIDNON, Philippines – Nagulantang ang mga residente ng Barangay San Jose sa Bukidnon matapos makita ang makapal na itim na usok mula sa isang sunog sa commercial area noong Biyernes ng umaga, Mayo 1.
Ayon sa Malaybalay City Fire Station, nagsimula ang sunog sa isang closed-type truck na nakaparada sa loob ng isang commercial complex sa Purok 2.
Mabilis na rumesponde ang mga bumbero at nakontrol ang apoy sa loob lamang ng ilang minuto. Wala namang naitalang nasaktan sa insidente.
Sinabi ng may-ari ng truck na si Arnold Cabiluna na may kargang foam materials para sa upholstery ang sasakyan na tuluyang natupok, bagaman mukhang buo pa ang makina.
Ayon pa sa kanya, may isinasagawang welding bago ang sunog, ngunit posibleng faulty wiring din ang sanhi nito.
Patuloy pang iniimbestigahan ang eksaktong dahilan ng sunog. Samantala, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat lalo na sa mataas na heat index na maaaring magdulot ng mas mataas na panganib ng sunog.
Hindi pa tinutukoy ang kabuuang halaga ng pinsala sa insidente. RNT/MND