MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) na bibigyan ng Overseas Filipino Workers-Preference Rating (OFW-PR) ang mga kwalipikadong OFWs simula ngayong taon.
Ayon sa CSC, sa ilalim ng CSC Resolution No. 2600596, ang mga OFW na makakakuha ng general rating na hindi bababa sa 70.00 ay magkakaroon ng karagdagang puntos sa Civil Service Exam, ayon sa guidelines ng komisyon.
Ipatutupad ang bagong patakaran simula sa August 9, 2026 na pagsusulit.
“This initiative recognizes the professionalism, dedication, and sacrifices of our OFWs and opens another pathway for them to continue serving the nation as Lingkod Bayani,” ayon sa CSC.
Maaaring mag-apply ang mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho, nagtrabaho, o magtatrabaho pa lamang sa abroad, anuman ang bansa, trabaho, sahod, o status ng employment. Maaari ring mag-apply ang mga nakakontrata na ngunit hindi pa umaalis ng bansa.
Mga kwalipikasyon:
• Nakapagtrabaho sa abroad nang kabuuang hindi bababa sa limang taon mula Enero 1, 2000 hanggang sa petsa ng aplikasyon, tuloy-tuloy man o hindi; • Nakapag-take ng Civil Service Exam simula August 9, 2026 at nakakuha ng failing score na hindi bababa sa 70.00.
Layunin ng programa na kilalanin ang kontribusyon ng OFWs at bigyan sila ng mas maraming oportunidad na makapasok sa serbisyo publiko. RNT/MND