Home HOME BANNER STORY Transparency portal para sa Farm-to-Market Roads, binuo ng DA

Transparency portal para sa Farm-to-Market Roads, binuo ng DA

263
0

MANILA, Philippines — Lumikha ang Department of Agriculture (DA) ng website kung saan maaaring makita at masubaybayan ng publiko ang progreso ng mga farm-to-market roads (FMRs) bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa transparency. Kinuha ng DA ang responsibilidad sa pagpapatupad ng mga FMR mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang press briefing sa Quezon City, ipinakita nina DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa at Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) Director Cristy Polido ang “FMR Watch” Transparency Portal, na maaaring ma-access sa https://fmrwatch.bafe.gov.ph.

Ani de Mesa, “All details of the projects will be shown in the portal.” Ayon kay Polido, inaasahang ilulunsad ang final version ng portal sa Pebrero at maaari ring mag-upload ng reklamo ang publiko.

Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, may alokasyon na P33 bilyon ang DA upang ipatupad ang humigit-kumulang 1,600 bagong FMR sa buong bansa ngayong taon. Ipinapakita rin ng portal na mula 2021 hanggang 2025, P76.52 bilyon ang inilaan sa 4,810 FMR projects, kung saan 3,135 ang natapos, na may kabuuang haba na 2,399.85 kilometro at nakinabang ang 721,500 magsasaka.

Plano rin ng DA na i-livestream ang bidding para sa FMR projects at maaari ring makipag-partner sa mga lokal na pamahalaan o DPWH kung may limitasyon sa pagpapatupad.

Nilinaw ni de Mesa na ang “ghost FMRs” ay isolated case lamang, karamihan sa Davao Occidental, at pito lamang ang naitala.

Inaasahang ilalabas ang audit ng lahat ng FMRs sa unang quarter ng 2026.

Ang mga FMR ay nag-uugnay sa mga lugar ng agrikultura at pangingisda, coastal landing sites, at post-harvest facilities sa mga pamilihan at pangunahing kalsada, na nakakatulong sa mga magsasaka na bawasan ang gastos at mapataas ang kita. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here